Raining yellow confetti day

Nasaan ka noong Agosto 21 mga 30 years na ang nakakaraan?

Marahil ay nasa sinapupunan ka pa ng nanay mo kung ikaw ay (naging) estudyante ko, o kaya’y nagmamadaling bumili ng formula milk (malamang Klim) o baby food (malamang Gerber) ang tatay mo para di maabutan ng curfew sa gabi. O kung ikaw ay tulad ko na kaka-party lang ng taong iyon dahil isang dekada katanda ka na at binusog na naman ng Magnolia Ice Cream cake ang maliit mong tiyan, marahil ay namangha ka rin sa dilaw na ulan noong mga araw at panahon na iyon.

Kasalukuyan tayong inuulan ngayon, tatlumpung taon ang nakalilipas, nang ang isang senador sa Pilipinas ay umuwi nang sapilitan sa bansa at di man lang nakatuntong sa kalye sa Quezon City kung saan nakatira ang pamilya niyang naiwan. Bagkus, ang pisngi lang niya ang lumapat sa lapag na tinatawag nilang tarmac sa airport na noon ay MIA pa ang tawag ng lahat. Pero dahil sa nangyaring ito noon, ipinangalan na sa kanya ang airport na huli niyang hiningahan bago ito nalagutan nang sapilitan. Tinatapak-tapakan na lang siguro natin/nila ngayon ang sahig sa NAIA kung saan siya nalugmok noon. Pero sana naman, ang alaala ng ganitong mga pangyayari ay huwag nating tapak-tapakan na lamang ngayon, bilang marami pa tayong dapat matutunan sa mga kaganapan noon na maaari nating gamitin pa hanggang sa ngayon.

Ngayon, non-working holiday na ang araw ng kanyang kamatayan. May mga programa yatang nakalaan ang pamahalaan para alalahanin ito. Muli na namang namamayagpag kasi ang kulay na pinaulan niya at ng kanyang maybahay na siyang pumanaw na rin mga ilang taon na ang nakalilipas. Ang mga kamag-anak niya ay nakikisakay sa pagwawagayway ng dilaw para maluklok din sa posisyon sa pamahalaan na gusto nila. Ang kanya namang mga anak, partikular na ang isang reyna daw sa sarili niyang kapasidad, ay namamayagpag din sa media sa paglalahad ng mga kaganapan sa kanyang buhay, partikular na sa buhay pag-ibig. Ito na lang ba ang naiwan sa alaala ng mamang minsang dumampi ang walang buhay na pisngi sa sahig ng paliparang ating inaapak-apakan na lamang?

Minsan, ganito ang kulturang Pinoy: nakakalimot tayo ng mga kaganapan sa ating kasaysayan, mga kaganapang wala naman tayong pakialam ngayon, lalo na’t wala namang masyadong impormasyong naka-archive tungkol dito saanmang lupalop ng information superhighway. Ano nga ang sabi nila: kung wala kang internet presence, you do not exist. Kung hindi naka-deklara nang malinaw sa Facebook na “in a relationship” ka na, hindi pa totoo at huwag ka daw magkunwaring hindi single. Mabuti pa silang mga nasa paraalan, mababa at mataas na antas, dahil sapilitan silang pinapa-memorya ng kung anumang pangalan, panahon at datos na kailangang mamemorya tungkol sa araw na ito at sa mga kaganapan na nangyari bago at pagkatapos ng araw na ito mga tatlumpung taon na ang nakalilipas. Pero tayong nalipasan na ng aral at nasa rurok na ng anumang naabot na natin sa ating mga buhay, larangan o karera, naaalala kaya natin ang mga aral na puwede nating makuha sa mga panahong iyon, sa mga araw na iyon, mga aral na parang di pa rin natin natututunan magpahanggang sa ngayon? Kasi sa palagay ko, kung may nakuha tayong aral noon, hindi sana mangyayari ang mga pag-ihip ng silbatong tila wala namang nakikinig kundi tayong mga mamamayang nagbabayad nang buwis nang tama. Pero silang puwedeng umapak-apak sa airport kailanman nila gustuhin dahil may pambili sila ng tiket, baggage, fashion wear at rest house o condo sa North America pala,  malayang nakakapasok-labas sa airport na iyon nang walang kaabog-abog dahil sa ang tiket nila ay may ikalawang tatak na di sa Department of Foreign Affairs pala nakukuha kundi sa kamara pala, sa senado pala… o kahit ba sa Malacanang? Di ko alam kung saan gawa ang extra rubber stamp pad of approval pero alam kong ang ink nito ay galing sa 1/3 ng suweldo nating kinakaltas sa atin buwan-buwan, pang-airfare lang pala ng mga madame, pambili lang pala ng tsikot, pambili lang pala ng real estate, pang-party-party ng anak ni madame, at kung anu-ano pa.

Nakatanaw ako sa labas ng bahay ko habang sinusulat ko ito. Inaabangan kong huwag sanang magkaroon ng pagtaas ng tubig sa likuran na kalye. Dahil noong huling nagkaroon ng tubig dito, wala namang bagyo pero humagupit ang habagat at tumangay ng maraming ani at ari-arian ng mga Pilipino. Noong mas naunang pagtaas ng tubig dito bago iyon, na talaga namang lampas -tao na, libu-libo rin yata ang nawalan ng bahay at daan-daan pa ang namatay, dahil sa unang pagkakataon, nakita ng siyudad ng sapatos ang paglubog nito matapos ang ilang dekada. At kung tama ang pagkakaalala ko, noong taong iyong, noong dumalaw si Ondoy, dalawang buwan yata bago bumuhos ang ulan, bumuhos ang luha ng mga Pinoy sa pagkamatay ng asawa ng mamang nakipagdampian ang pisngi sa tarmac ng airport ngayong araw mga tatlumpung taon na ang nakalilipas.

Bagyo, unos, ulan. Corruption, whistleblowing, graft, scam. Typhoon, tail end of a cold front, storm.  Paikot-ikot lang yata ang kultura na kinasasadkalan ng Pinoy, tulad ng paikot-ikot na pagdalaw at pag-alis ng trahedya, delubyo, ulan at anuman ang idulot pa ng pagbabago ng klima. Tatlumpung taon ang nakalilipas, umulan ng confetti, dilaw yata dahil gawa siya sa telephone directory, sa buong Maynila o kung saanman dumaan ang karo ng patay na kinalalagyan ng mamang ipingalanan sa kanya ang NAIA ngayon. Ngayon, umuulan ng gadangkal na ulan at tumataas-baba na naman ang lebel sa ilog namin. Noon at ngayon, pighati sa pulitika ang umuulan sa milyun-milyong Pinoy, sa araw-araw na lamang na ginawa ng Diyos. Marami naman sa atin ang gumagawa ng paraan, ang sapilitan o tahimik/maingay na lumalaban. Pero bakit parang madilim pa rin ang kalangitan sa ibabaw ng Pilipinas — noon at ngayon?

Maghanda na lang lagi. Magdala ng payong, patibayin ang bubong, mag-stock ng pagkain at bumili ng kandila. At siguro, magdalawang-isip sa anumang kadilimang susuungan. Dahil kahit madalas ay malabo ang mga namamahala sa atin, kailangan nating ipaalala na, sa ating mga ginagabayan nila, malinaw pa rin ang mga bagay-bagay, may unos man o wala.

Sana sumikat na ang araw. Sa Pilipinas. Literally at figuratively. Soon.

Huwag kalimutan ang dahilan ng pagkamatay ng lolo ni Bimby. [CCP 2009]

Huwag kalimutan ang dahilan ng pagkamatay ng lolo ni Bimby. [somewhere in CCP circa 2009]

Advertisements

~ by leaflens on August 21, 2013.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: